Ang Kagawaran ng Filipino, sa pakikiisa ng Junior College Program, ay magsasagawa ng pangkumperensiyang pananaliksik na may pamagat na “Siyásik 2025: Pagdalumat sa Wika at Kulturang Pilipino” at may temang “UNITAS: Unang Hakbang tungo sa Intelektuwalisasyon mula sa iba’t ibang larang” sa ika-7 ng Mayo, 2025, sa Li Seng Giap Auditorium.
Ang salitang “Siyásik” ay nagmula sa salitang Filipino na “siyasat” at “pananaliksik” na nangangahulugang “masusing pagsusuri o pananaliksik.”
Tampok sa kauna-unahang kumperensiyang pananaliksik na ito ang pinakamahuhusay na papel-saliksik ng bawat seksiyon ng Junior College Program na kasalukuyang kumukuha ng Filipino 012 o ang “Pagbasa at Pagsuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik.”
Layunin ng kumperensya na (1) mapalawak ang kaalaman at kasanayan ng mga mag-aaral sa kanilang kurso, edukasyon, at nasyon, (2) pagpapahalaga sa wikang Filipino at intelektuwalisasyon ng Filipino at (3) gampanin ng kabataan sa pagtataguyod ng pag-aaral ng araling Pilipinas. Gayundin, inaasahan ng Kagawaran ng Filipino na magiging mas makabuluhan ito sa pag-aaral at personal na pag-unlad ng mga dadalo bilang mga mag-aaral na nasa isang unibersidad.
